Umabot na sa 5,781 na mga kabataang edad 15 hanggang 17 na mayroong comorbidities ang nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., binakunahan sila sa walong ospital sa Metro Manila na unang itinalaga para sa pediatric vaccination sa bansa.
Ngayong araw, 13 ospital pa ang nadagdag para sa Phase 2 ng pagbabakuna sa mga batang edad 12 hanggang 17.
Isinagawa ang ceremonial program nito sa Cardinal Santos Medical Center, Hospital ng Parañaque at sa Quezon City General Hospital.
Sa San Juan City, 140 na mga menor de edad na may comorbidities ang target mabakunahan ngayong araw habang karagdagang 500 sa susunod na limang araw.
Limang libong kabataan naman ang target munang mabakunahan sa lungsod ng Marikina at 150 sa Navotas.
Nagpapatuloy rin ang bakunahan sa iba pang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Tinatayang nasa 1.2 milyong kabataang may comorbidities ang target na mabakunahan ng Department of Health sa buong bansa.