Halos 60k na Pamilya sa Region 02, Makakatanggap ng Ayuda sa SAP

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa 58, 066 na mahihirap na pamilya mula sa Region 2 ang makakatanggap ng ayuda bilang mga ‘Waitlisted/Left-Out’ beneficiaries ng Emergency Subsidy Program/Social Amelioration Program (ESP/SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ngayong buwan ng Hulyo.

Batay sa ibinahaging impormasyon ng DSWD RO2, ang talaan ng Waitlisted/Left-Out na mga pamilyang ito ay nakalap ng mga lokal na pamahalaan (LGU) na mga pamilyang kwalipikado ngunit hindi napabilang sa pamimigay ng first tranche ng ESP/SAP ng LGU noong buwan ng Abril hanggang Mayo, maging sa iba pang ahensiya ng pamahalaan katulad ng DOLE, DA, SSS at iba pa na nagpapatupad ng ESP/SAP.

Alinsunod dito, upang masiguro na ang mga napabilang dito ay karapat-dapat at hindi magkakaroon ng duplikasyon ng pagtanggap ng ayuda, kasalukuyan ang pagsasagawa ng proseso ng deduplication o ang pagkumpara ng talaan ng Waitlisted/Left-Out sa listahan ng mga nakatanggap ng first tranche ng ESP/SAP ng LGU at iba pang mga ahensiya.


Sakaling matuklasang nakatanggap na sa first tranche ang pamilya ay tatanggalin ito sa talaan ng Waitlisted/Left-Out.

Ayon sa Regional Director, Fernando R. De Villa Jr., mahalagang masigurong malinis ang listahan ng mga makakatanggap upang maibigay ang tulong na ito sa mga kwalipikado ngunit hindi napabilang sa first tranche.

Kalakip sa kompleto at wastong listahan ng Waitlisted/Left-Out ang sertipikasyon ng Local Chief Executive na nagpapatotoo sa mga nilalaman ng talaan ng waitlisted at ang encoded Social Amelioration Card (SAC) ng mga nakatanggap sa first tranche ng ESP/SAP na siyang basehan sa ginagawang Deduplication.

Dagdag pa niya, hinihingi ng ahensiya ang pag-unawa ng publiko sa proseso sapagkat masusi ang isinasagawang hakbang na ito at kinakailangan ang kumpletong impormasyon ng mga talaan ng benepisyaryong nakatanggap mula sa first tranche ng ESP/SAP.

Ang kumpletong talaan ng mga Left-Out/Waitlisted na benepisyaryo ay ipapahayag sa publiko sa pamamagitan ng pagpaskil nito sa mga kapansin-pansin na lugar katulad ng barangay hall at iba pang pamamaraan na digital.

Facebook Comments