Malaki ang naging epekto ng African Swine Fever (ASF) sa industriya ng baboy sa bansa.
Ayon kay Nicanor Briones, Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork), base sa kanilang pagtaya halos 70% ng 7.5 milyong baboy sa Luzon ang naapektuhan ng sakit.
Daing pa ng grupo, hindi rin sapat ang tulong ng Department of Agriculture (DA) kaya maraming hog raiser ang nagtigil-negosyo.
Giit naman ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, tuloy pa rin ang kanilang pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhan ng ASF.
Habang ginagawan na rin nila ng paraan ang kakulangan ng supply ng baboy at kung kinakailangan ay magpapadala na rin ng suplay mula sa Visayas at Mindanao.
Sa ngayon, nakiusap na ang DA sa mga trader na huwag ding masyadong taasan ang presyo para hindi rin tumaas ang presyo sa palengke.
Nabatid na ilang palengke na sa Maynila ang nagbebenta ng aabot sa P350 kada kilo na baboy dahil sa limitadong supply.