Kasunod ng pagsasara ng ilang negosyong nabangkarote dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic, umaabot na sa 69,022 mga manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay matapos magsara ang nasa 2,068 na mga establisyemento.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ito ay taliwas sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong June 5, 2020.
Matatandaan sa nasabing survey mula sa PSA, lumalabas na nasa 7.3 million Filipino o katumbas ng 17.7% unemployment ang naitala sa bansa na itinuturing na record high.
Depensa ni Bello, survey lamang ang isinagawa ng PSA at hindi base sa aktwal na datos.
Sa mga naunang pahayag ni Bello, inamin nito na posibleng lumobo hanggang 10 milyon ang mawawalan ng trabaho sa bansa hanggang sa pagtatapos ng taon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.