Umabot na sa halos 70,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho ngayong taon matapos magsara ang nasa 2,000 kumpanya dahil sa epekto ng COVID-19 crisis.
Base sa Displacement Monitoring Report ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 69,022 na manggagawa ang nawalan ng trabaho sa bansa mula sa 2,068 establishments mula Enero 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nasa 193 firms ang permanenteng nagsara kung saan nasa higit 5,000 manggagawa ang naapektuhan.
Nasa 1,875 na kumpanya ang nagpatupad ng retrenchment sakop ang 63,903 na manggagawa.
Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang may mataas na bilang ng mga apektadong manggagawa na nasa 356,036, sinundan ito ng CALABARZON (14,206), Central Luzon (5,113), Cordillera Administrative Region (5,023), Ilocos Region (1,945), Central Visayas (1,929), Northern Mindanao (1,172), Eastern Visayas (874), Davao Region (745), Western Visayas (495), CARAGA (400), Cagayan Valley (345), Bicol Region (300), SOCCSKSARGEN (246), MIMAROPA (188), at Zamboanga Peninsula (5).