Halos 80-M ASF fund, mahigpit na pinababantayan

Manila, Philippines – Mahigpit na babantayan ng Senado ang paggastos sa P78-milyong pondong inilaan ng Department of Agriculture (DA) bilang emergency fund at quarantine operations para tuldukan ang pagkalat ng African swine fever o ASF virus.

Pahayag ito ni Senador Imee Marcos matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo na inilaan sa Bureau of Animal Industry (BAI) para protektahan ang bilyun-bilyong pisong hog raising industry sa bansa.

Sinabi ni Marcos, na dapat gamitin sa wastong paraan ang pondo para sa disease monitoring and surveillance, laboratories upgrade, capacity-building at iba pang disease control measures.


Diin pa ni Marcos, dapat ding matiyak na mapapakinabangan ng mga hog raiser ang pondo lalo na ang mga maliliit na backyard piggery sa lalawigan ng Rizal at Bulacan na kumpirmadong may ASF outbreak.

Giit pa ni Marcos na dapat masiguro ng DA at BAI na hindi rin tatamaan ng ASF virus ang mga baboy sa Ilocos Region dahil ito ang pangunahing negosyo ng mga Ilokano, kabilang na ang meat products gaya ng bagnet at longganisa.

Samantala, iminungkahi rin ni Marcos sa DA na pulungin ang mga governor at local veterinary officers upang maplantsa ang panuntunan sa pagpuksa ng ASF virus at maitakda ang geographic zoning plan sa mga apektadong lugar.

Facebook Comments