Halos 8,700 barangay na posibleng maapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa kapag tumama ang Bagyong Ompong sa landmass ng bansa, pinatututukan ng DENR

Inabisuhan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga local government unit (LGU), Disaster Risk Reduction and Management Councils at mga residente na manatiling nakahanda dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa na dala ng Bagyong Ompong.

Ayon sa DENR–Mines and Geosciences Bureau, nasa 8,693 barangay sa bansa ang nanganganib sa landslide at flash flood bunsod ng Bagyong Ompong.

Base sa geohazard maps ng ahensya, kabilang sa mga lugar na ito ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western at Eastern Visayas, at Caraga.

Sa Metro Manila, inalerto na rin ang mahigit 1,000 barangay na posibleng bahain.

Pinayuhan din ng DENR ang mga LGU na ipatupad ang preemptive evacuation protocols sa mga bahaing lugar kung kinakailangan.

Tiniyak ng Mines and Geosciences Bureau na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang ahensya gaya ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para magbigay ng real-time geohazard advisories at technical assistance sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng Bagyong Ompong.

Facebook Comments