Halos 8M na pamilya, hindi pa rin naaabutan ng ayuda mula sa SAP

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang walong milyong pamilya pa ang hindi pa nabibigyan ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Sa virtual meeting ng Defeat COVID-19 Committee ng Kamara, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista na nasa 10.1 million households pa lang mula sa target na 18 milyong pamilya ang nakatanggap ng ayuda.

Mula kahapon ay nasa ₱53.8 billion ng first tranche ng ₱100 billion na ayuda ang naipamahagi pa lamang sa mga beneficiaries.


Kabilang sa mga nakatanggap na ng alokasyon ay ang 85% ng 4Ps, 45% ng target TNVS at PUV beneficiaries at 47% ng non-4Ps na mula sa low-income families.

Hindi naman ipinaliwanag ng DSWD kung bakit hindi pa nakumpleto kahapon ang pamumudmod ng first tranche ng financial aid gayong April 17 pa na-i-release ng Budget Department ang nasa ₱196 billion na pondo ng SAP.

Ngayong Mayo naman ay inaasahang ipapamahagi na ang 2nd tranche ng ₱100 billion special amelioration program para sa mga target beneficiaries.

Facebook Comments