Halos 9 sa kada 10 guro, sinabing hindi maka-focus sa klase ang mga mag-aaral dahil sa sobrang init – ACT

Apektado ng sobrang init na panahon ang pag-aaral ng mga estudyante.

Batay ito sa isinagawang survey ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) noong March 24 hanggang 27 na nilahukan ng 11,000 na mga guro.

Ayon kay ACT Chairperson Vladimer Quetua, 87% ng mga guro ang nagsabing hindi maka-focus sa klase ang mga mag-aaral dahil sa sobrang init.


Lumabas din sa survey na 37% ng mga guro ang nagsabing pinalalala ng init ang mga kasalukuyan nilang sakit habang 40% ang nagsabing nagiging pala-absent na ang kanilang mga estudyante.

Kaugnay nito, hinikayat ng grupo ang Department of Education (DepEd) na maglatag ng solusyon sa problema kung wala talagang plano ang ahensya na ibalik ang bakasyon sa Abril at Mayo.

Una nang sinabi ng DepEd na maaaring magpasya ang mga paaralan na suspendihin ang in-person classes at magpatupad ng blended learning kung nakaaapekto ang panahon sa pagkatuto ng mga estudyante.

Facebook Comments