Halos 90%, bumotong “yes” sa pagsasanib ng mga 28 barangay sa Ormoc, Leyte

Pormal nang idineklara ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasanib ng 28 mga barangay sa tatlong barangay na lamang gayundin ang pagpapalit ng pangalan ng isang barangay sa Ormoc City, Leyte.

Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, 89.34% ang bumuto ng “yes” sa isinagawang plebesito sa Ormoc habang 10.08% ang “no.”

Dahil dito, magsasanib na ang mga Barangay District 14, 19, 20, 21, 22, 24 at 26 na tatawaging Barangay West.


Magiging Barangay East naman ang Barangay Districts 9, 10, 11, 16, 18, 25 at 28 habang Barangay South ang Barangay Districts 1 hanggang 8, 12, 13, 15, 17, 23 at 27.

Ang District 29 naman ay tatawagin na bilang Barangay North.

Lumahok sa plebesito ang 53% ng mahigit 10,000 residente ng mga nabanggit na barangay.

Sabi naman ni Comelec Chairman George Garcia, ito ang unang beses na nangyari sa Pilipinas na mayorya ang sumuporta sa pagsasanib ng mga barangay.

Samantala, ito na ang ikaapat na plebesitong inilunsad ng Comelec ngayong taon.

Una rito ang plebesito sa Alabel, Sarangani noong Agosto at ang Calaca, Batangas at Maguindanao nitong Setyembre.

Facebook Comments