Aabot sa 3,800 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at 5,100 miyembro ng U.S. military ang lalahok sa Balikatan 2022 joint military exercise na gagawin mula Marso 28 hanggang Abril 8.
Ang taunang ehersisyo sa pagitan ng mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos ay tututok sa maritime security, amphibious operations, live-fire training, urban operations, aviation operations, counterterrorism, at humanitarian assistance and disaster relief na isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Magsasagawa rin ang AFP at US military ng humanitarian and civic assistance projects kabilang ang pagkukumpuni ng apat na mababang paaralan, at pagsasagawa ng community health missions.
Ayon kay AFP Balikatan Exercises 22 Exercise Director Maj. Gen. Charlton Sean Gaerlan, ang balikatan exercises ay patunay ng katatagan ng relasyong panseguridad ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi naman ni U.S. Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava na ikinararangal ng Estados Unidos na maging bahagi ng ehersisyo na pagkakataon para makatrabaho ang mga Pilipino tungo sa isang bukas at malayang Indo-Pacific region.