Halos anim na pisong dagdag-presyo sa diesel, ipapatupad na bukas

Muling magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula bukas, Marso 8.

Ito na ang ika-sampung sunod na taas-presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Magtataas ang ilang kompanya ng langis ng ₱3.60 sa kada litro ng gasolina habang ₱5.85 naman sa diesel, at ₱4.10 sa kerosene.


Ipapatupad ng Caltex ang taas-presyo epektibo mamayang alas dose ng hatinggabi; habang ang Shell, Seaoil, Jetti Petroleum at Petro Gazz naman ay bukas ng alas-sais ng umaga; at ang Cleanfuel ay alas-kwatro ng hapon.

Dahil dito ay inaasahang maglalaro na sa₱65 hanggang ₱88 ang kada litro ng gasolina sa Metro Manila habang ₱55 hanggang ₱65 naman sa diesel.

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na nakatakda itong mamahagi ng ayudang fuel cards sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan, delivery rider, at sa sektor ng agrikultura.

Samantala, bagama’t patuloy ang taas-presyo sa produktong petrolyo ay tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na walang problema sa supply ng lagis na ipinapasok sa bansa.

Facebook Comments