Halos apat sa bawat 10 mahihirap na bayan, walang doktor ayon sa DOH

Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi sapat ang atensyong medikal na natatanggap ng mga nakatira sa rural areas dahil sa kawalan ng medical professionals.

Mula nitong Hunyo, 38.46% ng 6th class municipalities ay walang doctor o halos apat sa bawat sampung mahihirap na bayan sa bansa ay walang attending physician.

Ayon kay Health Undersecretary Roger Tong-An, ang mga doktor, kabilang ang mga bagong graduates, ay ayaw magsilbi ng pangmatagalan sa kanayunan matapos magsilbi sa “Doctors to the Barrios” program.


Paliwanag ni Tong-An, karamihan sa mga doktor ay ayaw bumalik sa mga lugar na nasa labas ng Metro Manila dahil sa mababang sahod.

Ang mga Local Government Unit (LGU) lalo na sa mga probinsya ay may sinusunod ang Compensation Act kung saan nagtatakda ng ceiling sa compensation at paglilimita sa bilang ng mga doktor na maaaring i-hire ng bawat munisipalidad batay sa Local Government Code.

Aniya, ang isang doctor na kinuha ng isang LGU ay makakatanggap lamang ng 65% sa kung ano ang natatanggap ng isang doctor na nagtatrabaho para sa national government.

Mula sa 103 doctor-less municipalities sa bansa, 36 dito ay mula sa Bansamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Isinusulong ngayon ng DOH ang standardize rate para sa lahat ng doktor at iba pang medical professionals.

Ang isang doctor to the barrio ay dapat nakakatanggap ng ₱84,074 na halaga ng sahod kada buwan at iba pang benepisyo tulad ng hazard, subsistence, night differential at non-financial gaya ng housing at leave credits.

Ang isang sixth class municipality ay mayroon lamang na average annual income na hindi hihigit sa isang milyong piso.

Facebook Comments