HALOS BUONG PWERSA NG PNP CAUAYAN, IDINEPLOY SA BAWAT POLLING CENTER; PAGHAHATID SA MGA VCM AT BALOTA, SINIMULAN NA

Cauayan City, Isabela- Nasa isang daan at anim na bilang ng mga pulis ang ipapakalat ngayon ng Cauayan City Police Station sa bawat clustered barangay sa Lungsod para sa May 9, 2022 National and Local Elections.

Isinagawa na kahapon sa brgy. Cabaruan ang send-off ceremony o briefing ng PNP Cauayan sa mga idedeploy na personnel para sa nalalapit na eleksyon sa pangunguna ni PLTCol Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station.

Inihayag ng hepe na nasa 150 o isang daan at limampung porsyento na ang kanilang kahandaan para sa pagsisilbi ngayong eleksyon dahil katuwang naman aniya nila ang iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng BJMP, POSD, BFP at Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce.

Pinangunahan naman ni PMaj. Esem Galiza, Chief of Operation and Investigation Section ng PNP Cauayan ang briefing at orientation sa mga idedeploy na pulis para sa mga Do’s and Dont’s sa mismong araw ng eleksyon gaya ng pagpasok ng walang pahintulot ng COMELEC o Board of Election Inspectors (BEIs) sa mga polling precinct, pag iwan sa kanilang post o area, at kung ano pa ang kanilang mga dapat na isaalang-alang sa pagbibigay seguridad sa mga botante maging sa mga election paraphernalias.

Iprinesinta rin kahapon ang deployment area ng bawat pulis na pangungunahan naman ng kanilang sector Commander habang ang ibang tauhan naman ng PNP Cauayan ay magsisilbing quick reaction team ng pulisya kasama ang dalawang binuong grupo ng Philippine Air Force na tutulong at tatao rin sa mismong himpilan ng pulisya habang nakadeploy pa sa mga polling centers ang mga dating pulis na nakatoka.

Ang Cauayan City ay mayroong 53 Voting center mula sa 65 barangays na kung saan ang bawat polling center ay may tig-dalawang magbabantay na pulis kasama ang miyembro ng iba pang force multipliers.

Samantala, alas kwatro pa lamang kaninang madaling araw ay sinimulan na ng COMELEC ang paghahanda at pagbyahe ng mga balota at VCM mula sa hub ng COMELEC kasama na ang mga pulis bilang escort patungo sa mga barangay ng forest region at East Tabacal Region.

Ayon sa hepe ng pulisya, bago pa man lumarga ang grupo ng mga maghahatid ng balota at makina sa mga lugar na pagdarausan ng halalan ay nainspek na ang mga dadaanan at mayroon ng nakamonitor at standby na personnel para matiyak na ligtas ang pagbyahe sa mga gagamitin sa eleksyon.

Magsisimula na rin ngayong araw ang deployment ng mga pulis sa mga malalayong barangay habang sa Linggo naman ng gabi ang deployment ng mga magbabantay sa Poblacion at malalapit na barangay.

Dagdag dito, nagbigay rin ng mensahe si COMELEC Officer Atty. Jerbee Cortez na isa sa mga dumalo sa send off ceremony ng PNP kahapon na kung saan tiniyak nito na walang magiging aberya o problema sa mga gagamiting makina at umaasa rin ito na maging payapa at patas ang pagdaraos ng halalan sa Lunes.

Pinasalamatan din nito ang kapulisan at iba pang law enforcement unit dahil sa patuloy na pagbibigay ng seguridad mula nang mag umpisa ang election period ngayong taon.

Facebook Comments