Inaasahang darating na sa Marso 22 ang 979,200 doses ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca na second tranche ng donasyon mula sa global vaccine-sharing na COVAX facility
Una rito ay nakatanggap na rin ang Pilipinas ng aabot sa 487,200 AstraZeneca vaccines noong marso 4 habang 38,400 naman noong Marso 7 mula sa World Health Organization (WHO).
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepeneurship Secretary Joey Concepcion sa interview ng RMN Manila na hindi na dapat maantala ang vaccine rollout kahit na maraming bansa ang itinigil muna ang pag-gamit ng AstraZeneca.
Malaking bagay aniya ang bakuna ngayong pinipilit ng gobyerno na balansehin ang ekonomiya at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Concepcion, pansamantala lang naman ang ginawa ng ibang bansa matapos makapagtala ng ilang kaso ng blood clots pagkatapos mabakunahan at wala rin aniyang nakikitang masama sa bakuna ng AstraZeneca ang mga eksperto.