HALOS KADANGKAL NA BITAK SA ILANG CONNECTOR NG NARCISO RAMOS BRIDGE, PROBLEMA NG MGA MOTORISTA SA ASINGAN

Dahan-dahan ang mga sasakyan—mapa-motorsiklo man o trak habang tumatawid sa Narciso Ramos Bridge sa Asingan dahil sa halos kadangkal na agwat ng siwang ng ilan sa connector ng nasabing tulay.

Reklamo ng ilan sa motorista ang panganib na maaari umanong idulot nito lalo kung hindi agad napansin.

Ipinaliwanag naman ni Asingan Mayor Carlos Lopez na nakatakda na ang pagsasagawa ng Engineering office sa mga connector ng tulay dahil nahanapan na rin ng pondong gagamitin dito.

Aniya, ninanakaw umano ang bakal na nagsisilbing connector ng tulay.

Isa rin daw sa naging isyu sa tulay ay ang mga streetlights kung saan hindi umiilaw ang ilan sa mga ito.

Kasama rin ito sa isasagawa upang mabigyan ng mas maaliwas at maliwanag na daanan ang mga motorista lalo sa gabi.

Humihingi naman ito ng kaunting pang-unawa sa mga motoristang dumadaan sa nasabing tulay at sisiguruhing matatapos ang pagsasaayos sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, tinapalan muna ng aspalto ang mga inirereklamong siwang upang makatulong sa pagtawid ng mga motorista. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments