Halos kalahating bilyong halaga ng pekeng damit, nasabat ng BOC

Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa ₱482 million na halaga ng mga pekeng damit sa Port of Manila.

Ayon sa BOC, nagmula sa Bangladesh ang shipment at dumaan muna sa Singapore bago dumating sa bansa nitong nakaraang Agosto.

Sabi ng Customs, ginawa ito para makaiwas umano sa profiling system ng ahensiya.

Naglalaman ang kargamento ng 1,287 na kahon ng mga pekeng branded apparel kahit nakadeklarang mga medyas lamang ang laman.

Nitong Martes naman nang magkabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Intellectual Property Code of the Philippines.

Ayon kay BOC Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla, layon ng operasyon na protektahan ang mga mamimiling Pilipino at ang mga lehitimong negosyo laban sa panloloko at hindi patas na kalakalan.

Sinabi naman ni Commissioner Ariel Nepomuceno na patuloy nilang paiigtingin ang pagpapatupad ng batas at modernisasyon ng sistema upang matiyak na lehitimong produkto lamang ang papasok sa bansa.

Facebook Comments