
Aabot sa halos P476 million na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang bodega sa Tondo, Maynila.
Ayon sa BOC, may timbang na 70 kilo ang mga hinihinalang shabu na isinilid sa mga balikbayan boxes at inihalo sa ibang mga produkto at kagamitan.
Nagmula umano sa Long Beach, California, ang shipment naka-consign sa isang tirahan sa Bacoor, Cavite.
Nagbabala naman si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga gagamit ng balikbayan boxes sa iligal na paraan lalo’t simbolo aniya ito ng sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers (OWFs) para sa kanilang pamilya.
Tuloy-tuloy din ang mas pinahigpit na pagbabantay ng BOC katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para hindi makapasok ang mga kontrabando sa bansa.
Sa ngayon ay inihahanda na ang mga kaso laban sa mga nasa likod nito na paglabag sa Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.









