Halos kalahating milyong displaced OFWs, apektado ng COVID-19 pandemic – DOLE

Umabot sa 478,838 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa ₱27.5 billion proposed 2021 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), binanggit ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang datos mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) kung saan lumalabas na 469,959 OFWs ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya habang nasa 8,880 ang nagkasakit ng COVID-19.

Mula sa nasabing bilang ng displaced OFWs, sinabi ni Bello na nasa 230,424 ang na-repatriate habang 13,335 ang naghihintay ng repatriation.


Nasa 1,000 hanggang 3,000 OFWs ang umuuwi sa bansa kada araw.

Sinabi rin ng kalihim na nasa 104,813 displaced OFWs ang tumangging umuwi ng Pilipinas at nais manatili abroad.

“Well, it’s expected, your honors, because most of them come from Europe, the unemployment insurance covers more than one year, ‘di kagaya dito sa atin, two months lang po,” sabi ni Bello.

Nasa 70,647 migrant workers ang nananatiling stranded sa iba’t ibang bansa.

Paglilinaw ng DOLE, ang kanilang datos ay hindi kasama ang mga undocumented OFWs.

Sa ngayon, patuloy ang repatriation efforts para sa mga undocumented OFWs habang makatatanggap naman ng financial at livelihood assistance ang mga documented OFW.

Facebook Comments