Halos kalahating milyong indibidwal, apektado ng sama ng panahon sa Mindanao

Lumobo pa ang bilang ng mga apektadong indibidwal na apektado ng southwest monsoon sa Mindanao.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 96,277 pamilya o katumbas ng 468,165 indibidwal ang apektado sa 375 barangay mula sa Regions 9, 10, 11, 12 at BARMM.

Sa nasabing bilang mahigit limang libong pamilya o nasa mahigit 20,000 indibidwal ang nananatili ngayon sa 49 na mga evacuation centers habang ang nasa 50,000 pamilya ang mas piniling manatili sa kani-kanilang mga tahanan.


Tatlo ang nasawi kung saan isa ang kumpirmado habang ang dalawa ay patuloy pang beneberipika, dalawa ang nasaktan at isa naman ang nawawala.

Sa datos pa ng NDRRMC, 54 na mga tahanan ang partially damaged habang 46 na kabahayan ang totally damaged mula sa Regions 9, 10, 11, 12.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong residente ng malawakang pagbaha sa Mindanao.

Facebook Comments