Halos kalahating milyong OFWs na nawalan ng trabaho abroad, napauwi ng OWWA

Pumalo na sa kabuuang 492,000 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa abroad dulot ng COVID-19 pandemic ang natulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ito ay bunsod ng pagtutulungan ng DOLE, OWWA, DOTr, DFA, DILG, DND, DOH para makauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang mga OFW.

Ayon pa kay Cacdac, sa ngayon tuloy-tuloy pa rin ang pag-uwi ng ating mga kababayan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.


Paliwanag nito, ang mga umuwing OFWs ay nabigyan ng libreng food, transport and hotel quarantine accommodation at swab testing alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, mayroon aniyang 7,000 OFWs sa 135 hotels ang naghihintay na maisalang sila sa testing.

Sa panibagong protocol kasi ng Inter-Agency Task Force (IATF) pagkalapag sa paliparan ng OFWs, direcho ito sa hotel quarantine facility at sa ika-anim na araw ay saka ito isasalang sa RT-PCR test.

Kapag negatibo ang resulta, pauuwiin ang OFW at libre pa rin itong ihahatid sa pamamagitan ng bus, eroplano o barko.

Facebook Comments