Halos Kalahating Milyong Piso, Natangay ng mga Nagpakilalang Alagad ng Batas!

*TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN*- Iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad ang pagtangay ng mga hindi pa matukoy na mga suspek sa libo libong salapi at mga kagamitan sa isang bahay sa Brgy. Padul, Solana, Cagayan.

Ayon kay Police Capt. Junjun Balisi, hepe ng PNP Solana, lumabas sa kanilang imbestigasyon na habang nagpapahinga ang mga biktima ay biglang dumating ang dalawang sasakyan na sakay ng nasa pito hanggang sampung katao.

Nagpakilala umano ang mga suspek bilang mga kasapi ng PNP at ahente ng PDEA.


Nang makapasok sa loob ng bahay ang mga kawatan ay agad na iginapos sina Junior Pascual, Rodito Gallo, Gerry Balbin, Ernesto Natividad, Vanessa Natividad, Loriel Santiago at ang anim na taong gulang na bata.

Natangay naman ng mga suspek ang pera at mga gamit na kinabibilangan ng mga baril at cellphones na nagkakahalaga ng mahigit kumulang kalahating milyong piso.

Agad na tumakas ang mga kawatan sa hindi pa mabatid na direksyon lulan ang hindi pa matukoy na uri ng behikulo.

Patuloy pa ang ginagawang malalimang pagsisiyasat ng mga kapulisan hinggil sa nasabing pangyayari.

Facebook Comments