Nasa P99.67 million na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa loob lang ng isang linggo nitong anti-illegal drug operation.
Kabilang sa mga nakumpiska ng PNP ang 7,606.69 na gramo ng crystal meth o shabu at 239,500 fully-grown marijuana plants.
Nasa 51 drug personalities naman ang nadakip mula sa 25 magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng mga awtoridad sa buong bansa.
Kaugnay nito, pinuri ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang mga operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon kahit mayroong community quarantine.
Mula June 1, nasa P8.432 billion na halaga na ng shabu ang nakumpisa ng PNP-Drug Enforcement Group katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at local police units sa mga lugar sa bansa na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).