Halos P14-B foreign assistance, ibibigay ng Amerika sa Pilipinas

Magbibigay ang Estados Unidos ng halos P14 billion na foreign assistance para sa Pilipinas.

Ayon sa U.S. Embassy, ilalaan ang $250 million o katumbas ng P13.8 billion para sa pagpapalakas ng health system ng bansa, mas maayos na pagtukoy at pagtugon sa mga sakit, at pagpapahusay ng serbisyong pangkalusugan para sa mga ina at bata.

Sa kabuuan, umabot na sa mahigit P17 billion o $313 million ang foreign assistance na ipinangako ng U.S. sa Pilipinas.

Kasama rito ang naunang P3 billion na inilaan para sa energy sector, paglaban sa iligal na pangingisda sa South China Sea, at pagpapaunlad ng pribadong sektor sa Luzon Economic Corridor.

Tinututukan ng Amerika ang mga pangunahing larangan tulad ng Tuberculosis Control and Prevention, Global Health Security, at Maternal and Child Health and Nutrition.

Ayon kay U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, ipinapakita nito ang matibay na pangako ng Estados Unidos para sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino tungo sa mas malusog at mas matatag na kinabukasan.

Pangungunahan ng U.S. Embassy Foreign Assistance Section ang pagpapatupad ng mga programang ito sa mga prayoridad na lugar sa bansa.

Facebook Comments