Halos P400k na halaga ng shabu, nasabat sa tatlong indibidwal sa lungsod ng Makati

Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang tatlong suspek na nahulihan ng halos P400,000 na halaga ng illegal drugs.

Kinilala ang mga suspek na sila alyas “Kulet,” 43 year old, walang trabaho at tinaguriang High Value Individual (HVI); alias “Ben,” 42 year old, car painter; at alias “Ric,” 42 year old, store helper na tinaguriang Street-Level Individuals (SLIs).

Naaresto ang mga suspek dahil sa pagtutulungan ng Southern Police District (SPD), sa pamamagitan ng Makati City Police Station’s Station Drug Enforcement Unit matapos magsagawa ng buy-bust operation sa Barangay San Isidro, Makati City.

Sa report na inilabas ng Philippine National Police (PNP), habang nagkakaroon ng transaksyon itong si alyas Kulet sa poseur buyer ay nakatunog ang dalawang kasabwat nito at tangkang tatakas sakay ng motorsiklo ngunit agad ding na-corner ng mga awtoridad at inaresto.

Narekober sa mga suspek ang nasa 55 grams ng shabu na may standard drug price (SDP) na P374,000.00.

Bukod dito, nakumpiska rin ang ginamit na buy-bust money, boodle cash, motorsiklo at cellphone ng mga suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments