Nasabat ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Group (NAIA- IADITG) ang 2,878 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng 4.89 na milyong pisong na ipinadala sa pamamagitan ng parcel.
Sa report ni PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director Police Brigadier General Ronald Lee kay PNP Chief Police General Debold Sinas, nakumpiska ang droga sa isang controlled delivery operation sa PhilPost Manila Central Office, Liwasang Bonifacio, Manila kahapon.
Naaresto naman ang isang nagngangalang Ronron Salonga, 26-anyos, matapos niyang tanggapin ang parcel na naglalaman ng mga damit kung saan nakatago ang droga.
Ang parcel ay ipinadala ng isang Mary Lumbao Edwards mula sa the Netherlands sa isang Susan Lumbao ng Malate, Manila.
Sa ngayon, kakasuhan na ang suspek ng paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No.10863 o Customs Modernization and Tariff Act.