Tinatayang aabot sa P46-M ang pinsalang iniwan ng Bagyong Maring, matapos manalasa sa Cagayan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Col. Darwin Sacramed na base sa kanilang initial assessment, nasa P34-M ang pinsalang iniwan ng bagyo sa kanilang agrikultura.
Aabot naman aniya sa P1.2M ang halaga ng livestock na nawala o naapektuhan habang nasa P11-M ang danyos na iniwan ng bagyo sa kanilang imprastraktura.
Ayon pa kay Col. Sacramed, taon-taon ay umaabot sa bilyong piso ang nawawalang income sa Cagayan tuwing pumapasok ang panahon ng tag-bagyo.
Gayunpaman, handa aniya ang kanilang lokal na pamahalaan sa pagpapaabot ng tulong sa kanilang mga nasasakupan, kabilang na rito ang pagbibigay ng P500, 000 kada taon sa lahat ng barangay sa kanilang lugar kung saan iba pa ito sa kanilang budget para sa disaster at quick response fund.