Halos P500-B, inilaang pantulong sa 48-M mahihirap na Pilipino sa ilalim ng 2024 budget

9% ng kabuuang P5.768 trillion na 2024 national budget o halos P500 billion ang nakalaan para tulungan ang tinatayang 48 milyong Pilipino mula sa 12 milyong mahihirap na pamilya.

Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasamang popondohan ang bagong programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita na nilaanan ng P60-billion.

Sa ilalim ng programa ay bibigyan ng 5,000 pesos na ayuda ang mga ‘near poor’ o mga pamilyang kumikita ng P23,000 kada buwan.


Sabi ni Romualdez, lalaanan naman ng P23 bilyon ang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development.

Binanggit din ni Romualdez ang Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers o TUPAD program ng Department of Labor and Employment na nilaanan ng P30 bilyon.

Tiniyak din ni Romualdez na tuloy-tuloy ring popondohan ang “legacy projects” ng administrasyong Marcos—na kinabibilangan ng Legacy Food Security, Legacy Specialty Hospitals, at Legacy Housing para sa mga mahihirap.

Magpapatuloy rin aniya ang mga programa para sa libreng pagpapagamot, konsultasyon, at medisina para sa mga mahihirap.

Facebook Comments