Halos P500-M halaga ng pinaghihinalaang shabu, nasamsam sa Zamboanga City

Nagkakahalaga ng halos kalahating bilyong piso ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office 9 mula sa ikinasang anti-illegal drug operation laban sa 46-anyos na suspek na tubong Siasi, Sulu.

Batay sa ulat, matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek bunsod ng pagkakaugnay nito sa kalakaran ng pinagbabawal na gamot.

Una na rin umanong sinubukan ng awtoridad na makipagtransaksyon sa suspek subalit tumanggi ito hanggang sa natunugan ng mga kapulisan na may ide-deliver itong ilegal na droga sa Iligan City, gabi ng Agosto 19.

Sakay ng isang pick-up na mismong ang suspek ang nagmamaneho kasama ang mag-ina nito nang nakipaghabulan ito sa mga pulis at nasukol lamang nang mahulog ang minamanehong sasakyan sa sakahan.

Bumulaga sa mga awtoridad ang kilo-kilong shabu na isinilid sa dalawang maleta.

Batay sa isinagawang imbentaryo, aabot ang naturang droga sa 67 kilos at may standard drug price na P455,600,000.

Sa panayam ng RMN Zamboanga sa suspek, inamin nito na alam niyang droga ang laman ng maleta subalit itinanggi nitong may kinalaman sa transaksyon ang kanyang asawa at ang alam lamang nito ay papasyal silang magpamilya.

Sinabi rin ng suspek na inutusan lamang siya kapalit ng malaking halaga kapag naihatid na ang mga ilegal na droga.

Sa kasalukuyan ay nakakulong ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang mag-ina nito ay dinala sa ospital matapos magtamo umano ng sugat sa ulo.

Nasaktan din ang bata nang mahulog sa sakahan ang kanilang sinasakyan.

Facebook Comments