
Pumalo sa halos P700,000 ang nakumpiskang hinihinalang shabu ng mga awtoridad matapos na magsagawa ng buy-bust operation sa lungsood ng Makati.
Apat na suspek, kabilang ang isang High-Value Individual (HVI), ang naaresto ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD), Makati City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Guatemala Street, Barangay San Isidro, Makati City.
Kinilala ang mga nadakip na sina alias “Pepeng,” 36, walang trabaho; alias “Edgardo,” 46, mula Barangay Pio Del Pilar; alias “Jowalds,” 25, delivery helper; at alias “Cristy,” 34, online seller — pawang mga residente ng Barangay San Isidro, Makati City.
Naisagawa ang operasyon matapos umaktong poser buyer at nakabili ng isang knot-tied sachet ng hinihinalang shabu ang isang operatiba ng Pulisya mula kina “Pepeng” at “Edgardo” na nagkakahalaga ng ₱320,000, dahilan ng kanilang pagkakaaresto.
Nasakote rin sina “Jowalds” at “Cristy” matapos maaktuhang tumatanggap ng mga heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu mula kay “Pepeng.”
Nasamsam ng mga awtoridad ang isang paper bag na may label na Samsung na naglalaman ng ₱319,500 boodle money at isang tunay na ₱500 bilang buy-bust money; isang Yamaha Mio i125 na motorsiklo na may plakang 963PSQ; at ilang heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek.
Tinatayang nasa 102 gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang droga na may halagang ₱693,600 batay sa Standard Drug Price (SDP).
Isasampa laban sa kanila ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati City Prosecutor’s Office.









