
Tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tulong sa mga kababayan na labis na naapektuhan ng pagtama ng Super Typhoon Nando, Mirasol, at habagat.
Sa pinakahuling datos ng DSWD, aabot na sa ₱8.7 milyon ang naipamahaging tulong ng ahensya.
Nakapamahagi na rin ang kagawaran ng mahigit 11,000 family food packs sa mga apektadong indibidwal.
Sa ngayon, nakahanda pa rin ang nasa ₱3 bilyong pondo ng kagawaran para tumugon sakaling lumobo pa ang bilang ng mga apektadong residente.
Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga residenteng apektado ng bagyo na umabot na sa 71,611 pamilya o katumbas ng 255,339 indibidwal mula sa 10 rehiyon sa bansa.
Nasa mahigit 8,000 pamilya o 26,590 indibidwal ang nananatili sa 622 evacuation centers, habang nasa 13,000 pamilya ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kaanak o kaibigan.









