HALOS PITUMPONG KILO NG ILIGAL NA IMPORTED FROZEN MEAT SA PAMILIHANG BAYAN NG ASINGAN, NAKUMPISKA NG MGA AWTORIDAD

Wala nang magawa kundi i-surrender nalang ang mga karneng inilalako ng mga nagtitinda ng iligal na karne o hot meat sa bayan ng Asingan matapos itong makumpiska ng mga kawani ng National Meat Inspection Service (NMIS) at ng Asingan Market Enterprise kahapon, ika-9 ng Mayo.
Ayon kay Dr. Isagani Julius Rodrigo, ang Enforcement Team Leader ng NMIS, nakumpiska ang mga iligal na karne sa bayan ay dahil nakatiwangwang lamang ito sa labas ng kanilang mga refrigerator at hindi dumaan sa pamunuan ng NMIS o hindi dumaan sa inspeksyon.
Ayon pa sa kanya, tatlong vendors o maglalako ang nakuhanan ng iligal na karne na kung saan nasa kabuuang 66.6 kilos ng imported frozen meat ang kanilang nakumpiska dahil ayon pa sa kanya, sa apat na beses nilang pagdaan sa naturang bayan ay dalawang beses na nila umanong winarningan ang mga ito subalit nang sa muling pagbalik nila ay hindi pa rin nila ginawa ang mga iniutos at dito na nagsagawa ng pangungumpiska sa mga karne ang grupo.
Tinukoy ng opisyal na ang frozen meat ay hindi dapat nakatiwangwang o naka-display lamang sa labas ng ref bagkus dapat ito ay nasa loob ng ref upang maiwasan ang pagkakaroon ng mikrobyo ng karne kung saan ang naturang kautusan ay base sa ilalim ng Administrative Order No. 6 ng Department of Agriculture na Hygienic Handling of Imported Frozen Products na hindi dapat naka-display lang sa labas ang mga karne ng baboy, baka, at manok.
Matapos makumpiska, ibinaon na sa bakanteng lote ang mga karne upang bigyan ng leksyon ang mga nagtitinda na hindi tumatalima sa mga patakarang ipinapatupad ng ahensya para sa malinis na pagkain.
Facebook Comments