Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan, tumanggap ng tig-Php450,000 ang tatlong dating rebelde na sina alyas “Bryan” at alyas “Alex” mula sa Lalawigan ng Kalinga at alyas “Gabby” ng Cagayan na tinanggap ng kanyang nanay.
Base sa disenyo ng NHA, ang itatayong bahay ng mga nagbalik-loob ay binubuo ng dalawang silid-tulugan, isang sala at silid-kainan, kusina, at banyo pero ito ay depende pa rin sa kagustuhan ng benepisyaryo.
Labis naman ang pasasalamat ng dalawang dating NPA mula Kalinga sa NHA at pamunuan ng 50th Infantry Battalion dahil sa kanilang natanggap na tulong para sa kanilang pamilya.
Emosyonal din nagpasalamat ang ina ni alyas Gabby sa NHA at 17th Infantry Battalion sa ipinagkaloob na halaga ng pabahay dahil kahit wala na aniya ang kanyang anak ay ibinigay pa rin ang nasabing tulong at benepisyo na napapakinabangan ngayon ng kanilang pamilya.
Samantala, inihayag naman ni MGen Laurence E Mina, pinuno ng 5th Infantry Division, Philippine Army na hindi titigil ang kanilang pamimigay ng tulong sa mga nagbalik-loob na rebelde maging sa kanilang mga pamilya.
Muli ring hinikayat ng heneral ang iba pang rebelde na magbalik-loob na sa gobyerno para makapagbagong buhay kasama ang pamilya’t mapakinabangan ang inilaang programa ng gobyerno para sa mga former rebels.