Hamon ni Vice Ganda kay Pastor Quiboloy: Ipahinto ang traffic sa EDSA at ‘Ang Probinsyano’

May hamon ang comedian-host na si Vice Ganda kay Pastor Apollo Quiboloy.

Sa programang “Its Showtime”, Martes ng hapon, sinabi ng komedyante na patigilin ng founder at leader ng Kingdom of Jesus Christ ang teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” at tumitinding problema sa trapiko.

Ang pinakakalaban ni Cardo, ang feeling ko, si Quiboloy. Yung nagpahinto ng lindol”, bulalas ng ‘Unkabogable Star’.


“Si Quiboloy lang ang magpapahinto ng Ang Probinsyano, abangan niyo ‘yan.”

“So ano, Quiboloy, hinahamon kita, ipahinto mo nga ang Probinsyano. Napahinto mo pala ang lindol, e. Napakayabang niyo pala,” buwelta ng Kapamilya star. 

Hinamon niya rin ang pastor na pumunta sa gitna ng EDSA para ipahinto ang nakapanlulumong traffic.

Nasali ang pangalan ni Quiboloy sa usapan nina Vice, Jhong Hilario, at “Tawag ng Tanghalan” celebrity champion na si Gian Magdangal dahil naging parte sila ng soap-operang pinagbibidahan ni Coco Martin.

Naging laman ng balita at social media ang umano’y “Appointed Son of God” kaugnay sa pahayag nitong pagpapatigil ng lindol na yumanig sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao.

“Noong lumindol ng 6.6 (magnitude), nandoon ako kahapon, nandoon ako sa kwarto ko, sabi ko ‘lindol stop, umi-stop’”, salaysay ng lider noong Oktubre 30.

Sa mga naglabasang ulat, may apat na milyong miyembro sa Pilipinas at dalawang milyong kaanib ang Kingdom of Jesus Christ o KJC na naka-base sa Davao City.

Wala pang inilalabas na reaksyon si Quiboloy tungkol sa “national television challenge” ni Vice Ganda.

Facebook Comments