Mananatiling tapat ang 145,000 miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa konstitusyon ng bansa.
Siniguro ito ni AFP Spokesperson Colonel Ramon Zagala matapos ang pahayag ni Retired Lieutenant General Antonio Parlade na revolutionary government ang solusyon para maayos ang sistema ng Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay Zagala, bagama’t iginagalang ng AFP ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi sila susuporta sa mga paraan na hindi naaayon sa konstitusyon.
Patuloy aniya ang kanilang paalala sa kanilang tropa na sumunod sa batas at sa chain of command, sinuman ang nakaupo bilang commander-in-chief.
Tiniyak ni Zagala na ang AFP ay mananatiling propesyonal na organisasyon na hindi makikibahagi sa partisan politics at uunahin ang interes ng bansa bago ang mga personal na pananaw at opinyon.