Hiniling ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Philippine National Police (PNP) na paalalahanan ang kanilang mga pulis sa responsableng paggamit ng armas.
Ang panawagan na ito ay kasunod na rin ng ginawa ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca na pamamaril at pagpatay sa mag-inang Sonya Rufino Gregorio at Frank Anthony Rufino Gregorio sa Paniqui, Tarlac kahapon.
Ayon kay Velasco, dapat regular na maipaalala ng PNP sa kanilang hanay na huwag gumamit ng dahas sa lahat ng pagkakataon.
Dapat din aniyang maitatak sa isipan ng mga police officers na “last resort” ang paggamit ng pwersa at kanilang service firearms kung talagang kinakailangan.
Isa rin si Velasco sa mga umaasa na maibibigay sa lalong madaling panahon ang hustisya sa pinatay na mag-inang Gregorio at mapapanagot agad sa batas ang may sala na si Nuezca.