HANDA BA? | Defense plan ng mga kampo ng PNP Region 8, pinare-review

Leyte, Philippines — Pinasusuring mabuti ng bagong talagang Regional Director ng police regional office 8 na si Police Chief Superintendent Dionardo Carlos ang mga defense plan ng lahat ng Police Provincial Offices sa buong Eastern Visayas.

Ito ay matapos na salakayin ng nasa 100 miyembro ng New Peoples Army ang Lapinig municipal police station sa Northern Samar na sakop ng Region 8, kung saan nakuha ang nasa 13 high powered firearms at iba pang mahahalagang gamit ng police station.
Ayon kay Carlos, ipinaabot ng mga Provincial Directors sa isinagawang command conference sa Palo, Leyte ang kanilang mga hinaing sa kanilang areas of responsibility.
Dahil dito pinare-review niya sa mga hepe ang camp defense plan, habang direktiba rin niya ang personal at regular na pagbisita sa mga police station, upang maiwasan na muling maisahan ng mga makakaliwang grupo.
Sa command conference, inalam din ni Carlos ang crime situation at performance ng mga Police Provincial Offices sa Region 8 kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga.

Facebook Comments