Nito lamang ika-20 ng Abril, Biyernes, nag-iwan ng marka, partikular na ng tone-toneladang basura ang Gilon-Gilon ed Baley bilang isa sa mga pangunahing kaganapan sa pagdiriwang ng taunang Bangus Festival. Kaya naman, mas pinaigting pa ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) kasama ng Waste Management Division (WMD) ang pagsasaayos sa sistema ng kalinisang pangsiyudad sa pamamagitan ng pagpapaigting ng R.A. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa buong siyudad ay nakapalibot ang mga trashbin na may label depende sa klasipikasyon: biodegradable o nabubulok, non-biodegradable o di nabubulok, at residual para sa mga maaari ma-recycle gaya ng papel.
Binigyang-diin ng CDRRMO Training Officer Ms. Prisza Cendana ang pagpapaalala sa mga mamamayan ng Dagupan ukol sa waste segregation dahil “no segregation, no collecting of garbage” ang polisiya ng pamahalaang pangsiyudad ng Dagupan.
Ayon naman kay Sir Davidson Chua, ang Research and Planning Head ng WMD, tatlong metric tons ng basura ang kanilang nakakalap para sa regular na araw o panahon kung kailan walang event, samantalang mas mabigat ng dalawa hanggang tatlong beses ang basura kung may kaganapan lalo na sa bayan. Buhat dito ay pinaalalahanan ng WMD na hangga’t maaari ay pairalin ng bawat isa ang disiplina dahil ang hindi pagtatapon ng basura sa kung saan-saan ay malaking tulong ang maidudulot sa bayan o siyudad na ating kinabibilangan.
Inaasahan ng Dagupan CDRRMO at WMD ang mas daraming bilang ng mga turista na makikiisa sa mga nalalabi pang kaganapan sa pagdiriwang ng 2018 Bangus Festival gaya ng Festivals of the North sa April 27, at Bangusan Street Party at Kalutan ed Dalan sa April 30, kaya naman mas pinaghahandaan nila ang pagpapanatili ng kalinisan saan man sa siyudad lalo na sa Downtown area.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton