Manila, Philippines – Nakahanda na ang gobyerno sa inaasahang pagpasok bukas ng Bagyong Ompong sa bansa.
Sa Press Conference Kanina, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas na patuloy ang koordinasyon nila sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno lalo na sa Department of Social Welfare and Development.
Handa na aniya ang 1.5-bilyong pisong halaga ng family food packs habang naka-standby na rin ang mga equipment mula sa militar.
Pinayuhan ng NDRRMC na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Batanes at Babuyan Group of Islands na siyang tutubukin ng Bagyong Ompong.
Ipinauubaya naman na ng ahensya sa mga Local Government Unit ang pagkakansela ng pasok sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Binanggit din ng NDRRMC na ang ginagawa nilang preparasyon ngayon ay gaya ng naging preparasyon nila noong bagyong Yolanda.
Gayunman, gaya ng PAGASA, itinanggi nito ang kumakalat na impormasyon sa social media na magiging singlakas ng Bagyong Yolanda ang Bagyong Ompoy.
Panawagan ng NDRRMC sa publiko, maging responsible sa pagpapakalat ng impormasyon sa social media.