Manila, Philippines – Ibinunyag ni Presidential Adviser for Political Affairs Secretary Francis Tolentino na posibleng pumalit sa kanya sa posisyon sa kanyang pagtakbo sa halalan ay si Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Ito ang sinabi ni Tolentino sa harap narin ng kumpirmasyon nito at ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay sasabak sa halalan sa pagka-Senador sa susunod na taon.
Ayon kay Tolentino, tinawagan na siya ni Andanar at humihingi ng mga pointers kung ano ang mga ginagawa at mga iba pang trabaho ng isang Presidential Political Adviser.
Matatandaan na mismong si Andanar ang nagsabi kamakailan na inalok siya ni Pangulong Duterte na maging political Adviser kapalit ni Tolentino kasabay ng pagtakbo nito at ng pinaplanong pagbuo ng Office of the Press Secretary.
Pero matatandaan din na kagabi ay sinabi ni Pangulong Duterte na itatalaga niyang isang Consultant si Andanar dahil marami pa itong kailangang gawin sa PTV 4.