Manila, Philippines – Nakahanda na ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) ngayong holiday season.
Inaasahan kasi na madaragdagan ng 10 porsyento ang bilang ng mga sasakyang daraan sa NLEX at SCTEX habang lumalapit ang bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa NLEX Corp., noon pang December 14 nang simulan ng mga traffic personnel ng NLEX-SCTEX ang extended working hours.
Anila, sa peak hours ng December 21 at 22 at 28 at 29, bubuksan ang 28 mga toll booths sa Balintawak.
Habang 10 sa Mindanao Avenue, 28 sa Tarlac at 44 na mga toll booths naman ang bubuksan sa Bocaue.
Para naman sa December 25 hanggang 27 at January 1 at 2, magbubukas ng mga karagdagang portable toll booths o portabooths.
Nasa 50 hanggang 60 portabooths ang bubuksan sa Bocaue.
Para naman sa Tarlac, mula sa tatlong entry lanes ay magiging lima ang mga ito na silang mag-iisyu ng pre-encoded transit tickets para sa mga motoristang luluwas ng Maynila.
Dalawang toll lanes naman na southbound ang bubuksan sa Angeles, isa sa Mexico at isa sa San Fernando.
Sakaling magkaroon ng aberya sa trapiko, mayroong counter flow lanes na bubuksan sa ilang mga piling lugar.
Mayroon nmang libreng towing services ang NLEX at SCTEX mula alas-6 ng umaga ng December 22 hangggang alas-11:59 ng gabi ng December 23 at sa kaparehong oras para naman sa January 1 at 2.