Patuloy na mino-monitor ng Malacañang ang Bagyong Bising habang patuloy itong nagpapaulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pamahalaan ay walang hintong nagbabantay sa galaw ng bagyo.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay nagsasagawa na ng preemptive evacuation sa Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Northern at Eastern Samar.
Panawagan ni Roque sa mga apektadong residente na makipagtulungan sa mga kinauukulan habang sumusunod sa COVID-19 health protocols.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroong standby funds na nagkakahalaga ng ₱556.28 million sa kanilang Central Office at Field Offices at Stockpiles na binubuo ng 370,058 Family Food Packs na nagkakahalaga ng ₱188.61 million.
Ang Department of Health (DOH) ay nagtalaga ng team na tututok sa impact ng kalamidad at nakatutok sa mga sitwasyon sa mga evacuation centers para sa minimum public health standards.
May mga nakahanda na ring gamot at COVID supplies para sa regional offices.
Pinagana naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa siyam na rehiyon ang OPLAN LISTO.