Manila, Philippines – Tiniyak ngayon ng Department of Social Welfare and Development na 27 / 7 nang handa ang kanilang mga tauhan para tanggapin ang mga menor de edad na madadampot ng mga otoridad na pagala-gala sa kalsada lalo na sa gabi.
Ito ang sinabi ni DSWD OIC Secretary Virginia Orogo sa briefing sa Malacañang matapos ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasailalim sa kustodiya ng pamahalaan ang mga menor de edad na makikitang pagala-gala sa gabi para mailigtas ang mga ito sa iligal na droga at iba pang krimen.
Ayon kay Orogo, agad namang pinoproseso ng kanilang mga tauhan ang mga batang dinadala sa kanilang tanggapan at kung sa gabi naman ay maaari namang tawagan ang kanilang social workers para agad na maproseso ang mga batang mahuhuli.
Una nang inamin ni Orogo na kulang talaga ang kanilang mga DSWD Centers sa buong bansa kaya ilulunsad nila ang Silungan sa Barangay sa tulong ng Department of Interior and Local Government para magkaroon ng pasilidad para sa mga menor de edad sa mga barangay sa buong bansa.