Thursday, March 5, 2026

HANDICRAFT MAKERS SA SAN CARLOS CITY, TUMANGGAP NG SUPORTA SA OPERASYON

Nagkaloob ng suporta ang Rang-ay Bank sa San Carlos City Handicraft Makers Association bilang bahagi ng patuloy nitong community outreach program sa San Carlos City.

Unang bumisita ang mga kinatawan ng bangko noong Pebrero 25, 2026 upang personal na alamin ang kalagayan ng samahan at tukuyin ang mga maaaring maitulong. Sinundan ito ng panibagong pagbisita noong Marso 4 kung saan pinalawak pa ang pakikipag-ugnayan sa grupo.

Bilang agarang tugon, nag-donate ang bangko ng 25 monoblock chairs at isang mesa na magagamit sa mga pulong, pagsasanay, at production planning ng asosasyon. Nagsagawa rin ng financial literacy session para sa mga miyembro upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa tamang pagba-budget, pag-iimpok, at pamamahala ng pananalapi—mga kasanayang mahalaga sa pagpapatatag ng kanilang kabuhayan.

Ang inisyatiba ay nakaangkla sa adbokasiya ng LGU San Carlos City sa pagsusulong ng grassroots development sa pamamagitan ng City Cooperative, Entrepreneurship and Livelihood Development Office. Layunin nitong palakasin ang mga community-based associations hindi lamang sa pamamagitan ng materyal na tulong kundi pati sa pagpapahusay ng kanilang kakayahang magpatakbo at magpanatili ng sariling kabuhayan.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan at ang samahan sa suportang ipinagkaloob, na inaasahang makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng kanilang hanapbuhay.

Facebook Comments