
Iginiit ni Navotas Representative Toby Tiangco na hindi dapat payagan ang hangad ng abogado ni dating Congressman Elizaldy Co na maisalalim ito sa house arrest o payagang magpiyansa.
Diin ni Tiangco, walang inirekomendang piyansa ang Ombudsman para sa malversation at graft charges na isinampa kay Co kaya dapat nitong harapin ang mga kaso sa loob ng kulungan at hindi sa sala ng bahay.
Punto pa ni Tiangco, hindi patas na diretso kulong yaong mga simpleng barya lang ang kinuha pero kapag bilyon-bilyong piso ang pinag-uusapan ay biglang mag-rerequest ng bail o house arrest.
Ayon kay Tiangco, malinaw ang itinatakda ng batas na ang malversation of public funds at graft ay matitinding krimen laban sa mamamayang Pilipino at hindi sakit ng ulo na basta puwedeng ‘magpahinga sa bahay.’
Binanggit din ni Tiangco na huwag ng dagdagan pa ang nag-aalab na galit nang taumbayan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa hustisya para pumabor sa mga makapangyarihan.









