Hanggang P1-M livelihood grants para sa mga OFW na apektado ng COVID-19, inihahanda ng OWWA

Umabot na sa 166,000 na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakauwi na sa kani-kanilang probinsya.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, halos 50% sa kanila ang umuwi matapos mawalan ng trabaho sa ibang bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.

“’Yong iba sa kanila, nagbabakasyon, ‘yong iba finished contract. Hindi naman nating masabi na natanggal o naudlot ang trabaho doon, nataon lang na pauwi na sila,” ani Cacdac sa panayam ng RMN Manila.


Kasabay nito, hinimok ni Cacdac ang mga OFW na mag-apply para sa group loans na iniaalok ngayon ng pamahalaan.

Sa ilalim nito, maaaring makatanggap ng P150,000 hanggang isang milyong pisong livelihood grants ang isang grupo ng mga OFW na nagbabalak magtayo ng negosyo.

Kinakailangan lang aniya na magtagayo ng isang korporasyon, kooperatiba o work associations na 80% ng miyembro ay mga OFW.

“Grant ito, grant, bigay! Kaya nga ang talagang bibigyan natin dito yung talagang entitle. Ibig sabihin, yung talagang organisado, well-planned, planado, syempre yung merong tiyansa ng tagumpay,” dagdag pa ng opisyal.

Facebook Comments