Hanjin PH, posibleng i-take over ng gobyerno; Labor group, handang magsampa ng reklamo

Manila, Philippines – Nagpahiwatig umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagiging bukas nito sa posibilidad na pag-takeover ng gobyerno sa Hanjin Philippines.

Ang nasabing shipyard ay isa sa mga dating pinakamalaking investor sa loob ng Subic Bay Freeport.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana – magandang pagkakataon ito dahil kung magkataon, hindi na kakailanganin pang bumili ng Pilipinas ng barko sa ibang bansa para sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard.


Aniya, hindi bababa sa $430-million ang kakailanganin ng gobyerno para ituloy ang operasyon ng Hanji at gumawa ng mga barkong gawang Pinoy.

Sinabi naman ni Julius Cainglet, vice president ng Federation of free Workers – bineberipika nila ang natanggap nilang impormasyon na planong magtayo ng bagong kumpanya ang Hanjin.

Sa interview ng RMN Manila kay Labor Secretary Silvestre Bello III – mabilis lamang na mabibigyan ng trabaho ang mga manggagawa ng Hanjin lalo at high skilled workers ang mga ito.

Noong isang taon, umabot sa 7,000 mga manggagawa ng Hanjin ang inalis sa trabaho matapos umanong malugi.

Sa huling datos ng DOLE, nasa higit 3,700 pang mga manggagawa ang posibleng mawalan na rin ng trabaho sa nasabing South Korean firm base sa pagtaya ng DOLE.

Facebook Comments