Harapan ng tanggapan ng LTFRB tanging naapektuhan lamang ng tigil-pasada sa QC

Tanging ang harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) makikita ang epekto ng transport strike na ikinasa ng grupong PISTON.

Ito ang report ng Quezon City Police District (QCPD) sa unang araw ng dalawang araw na tigil-pasada ng grupo.

Wala ring epekto sa mga commuters ang tigil-pasada dahil nakapaghanda ang QC Local Government Unit (LGU) sa pamamagitan ng paglalatag ng libreng sakay.


Sa monitoring ng QCPD nasa 600 ang mga nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng LTFRB pasado alas diyes ng umaga kanina.

Pero sa bilang na ito ayon sa QCPD, karamihan ay hindi naman mga tsuper kundi pawang mga kabataan at mga miyembro ng militanteng grupo na sumusuporta sa pagkilos ng PISTON.

Kabilang sa mga militanteng grupo na nagsagawa ng rally ay mga miyembro ng Sanlakas, Oriang, K4K QC, League of Filipino Student UP Diliman chapter, Tambisan ng Sining, Nara Youth, Saligan sa College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) Alma QC, ang grupo ng No to Public Utility Vehicle (PUV) Phaseout Coalition at dalawang jeepney driver at operators association.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pamamasada ng maraming bilang ng mga jeepney drivers na hindi sumama sa transport strike habang nakaantabay din ang malaking bilang ng mga libreng sakay na ipinagkakaloob ng QC Government maging ng QCPD.

Facebook Comments