Iginiit ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila kailanman kukunsintihin ang pang-aabuso.
Ito ay makaraang lumabas ang ulat ng umano’y pangha-harass ng mga tauhan ng Bayambang Municipal Police Station kay Merlita Gallardo na tumestigo sa pagdinig sa Senado hinggil sa mataas na presyo ng sibuyas.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Red Maranan, nananatiling tapat sa sinumpaang tungkulin ang Pambansang Pulisya na protektahan ang taumbayan.
Aniya, saka-sakali mang totoo ang ulat, gagawa sila ng hakbang upang ito ay maituwid at papanagutin ang may sala pagkatapos dumaan sa tamang proseso at imbestigasyon.
Matatandaang sa report ni Pangasinan Police Provincial Director PCol. Jeff Fanged, hindi nito itinangging may nagtungo nga sa tahanan ng mga Gallardo na mga tauhan ng Bayambang PNP.
Pero ito aniya ay pagtalima lamang sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Virgilio Sison na alamin ang detalye sa pagkamatay sa asawa ni Gng. Gallardo dahil umano sa pagkalugi sa pagtatanim ng sibuyas.