Harbour Link Exit Ramp Dispalinghado, Ayon sa Isang Inhenyero

Cauayan City, Isabela – Ibinulgar ng isang inhenyero na mayroong malaking kalokohan na nangyari sa paggawa sa isa sa mga ibinibidang proyekto ng administrasyong Duterte na Harbor Link Exit Ramp na matatagpuan sa Caloocan City.

Sa naging panayam ng Radio Mindanao Network kay Engineer Gregory Calpo, Survey Manager ng Leighton Contractors Asia Limited para sa Segment 10 at R10 exit ramp, binalewala ng banyagang kontraktor ang mga naunang mga babala at paalala hinggil sa hindi tugma na paggawa ng mga fabricated materials na isinalpak sa naturang proyekto.

Sinabi niya na hindi pa noon nabubuhusan ng semento ang naturang rampa ay mayroon nang londo na kalahating metro ang proyekto.


Kanya ding ibinahagi ang kanyang hinanakit sa DPWH dahil hindi pinansin ang kanyang sumbong tungkol sa umano ay kabalbalang nangyari sa proyekto.

Ipinaabot din ni Engineer Calpo ang kanyang mga nakitang mali sa Toll Regulation Board na siyang tagapangasiwa ng NLEX ngunit hindi rin nabigyan ng pansin ang kanyang sumbong.

Siya ngayon ay nagpupuyos dahil sa mga proyektong ginawa ng Leighton sa Gitnang Silangan ay istrikto nilang sinusunod at tinutupad ang mga engineering standards kumpara umano sa pambababoy at pagsasabalewala sa mga standard sa multi-biyong proyekto dito sa Pilipinas ng naturang kumpanya.

Ang mga kabalbalan sa Segment 10 at R10 exit ramp ay tinakpan lamang ng umano ng makapal ng aspalto na mas lalong nagdagdag sa dead weight nito.

Ayon pa sa kanya, lihis sa normal na panuntunan sa mga konstruksiyon ng mga elevated kalsada ay dapat sinubukan muna ang load weight ng proyekto bago ito buksan sa publiko na siyang hindi ginawa ng banyagang kumpanya.

Tinitiyak din niya na kapag hindi maunahan ng lindol ay hindi tatagal ang ginawa ng Leighton dahil sa pagbabalewala ng banyagang kumpanya sa mga engineering standards at regulations.

Nagsisilbi ding matinding banta ang mababang standard ng proyekto dahil anumang oras ay puede itong gumuho at magdulot ng disgrasya.

Sinabi pa niya na bagamat, mataas ang isinasahod sa kanya ng Leighton, na isang Australyanong kumpanya, ay mas nanaig sa kanya ang pagka Pilipino at pagmamahal sa bayan kaya siya nag-iingay lalo pa at mukhang marami pang proyekto ang gagawin ng Leighton dito sa bansa.

Siya ngayon ay puwersadong tinanggal ng Leighton at kasalukuyang nasa NLRC NCR ang kaso ng puwersahang pagtanggal sa kanya.

Ang Harbour Link Exit Ramp ay binuksan sa publiko nito lamang Hunyo 2020.

Facebook Comments